MANILA, Philippines — Ganap ng isang lungsod ang Carmona sa lalawigan ng Cavite matapos magwagi ang “Yes” vote na inihain ng mga residente sa plebisito noong nakaraang Sabado.
Sa resulta ng plebisito na inilabas ng Commission on Elections (Comelec), nasa kabuuang 31,379 rehistradong botante ng Carmon ang lumabas at bumoto nitong Hulyo 8.
Nabatid na 30,363 botante, o 96% ang bumoto ng “Yes/Oo” para sa ratipikasyon ng Republic Act 11938, o ang batas na nagko-convert sa Carmona bilang isang component city ng lalawigan ng Cavite.
Nasa 1,016 indibidwal naman ang tumutol dito.
“On the basis of the foregoing, we hereby proclaim that the conversion of the Municipality of Carmona in the Province of Cavite into a component city pursuant to Republic Act No. 11938,” ayon sa Comelec.
Nakapagtala ang Comelec ng voters turnout na 53.9% mula sa kabuuang 58,691 rehistradong botante sa Carmona.