MANILA, Philippines — Umaabot sa P18-milyong halaga ng shabu ang nasabat ng Davao City Police Office (DCPO) at Task Force Davao mula sa dalawang hinihinalang tulak ng droga sa AFP-PNP Border Control Point kamakalawa ng hapon sa Brgy. Sirawan, Davao City.
Batay sa report ng DCPO, ang dalawang suspect na may dala umano ng droga ay nakilalang sina Cresil Jay Laciq, 29, at Antonio Palacios Jr., 30; kapwa residente ng New Corella, Davao del Norte.
Lumilitaw na bandang alas-4:00 ng hapon noong Linggo, nang maharang ang mga suspek lulan ng isang behikulo habang papasok sa border ng lungsod.
Napansin ng mga awtoridad na nagmamando ng checkpoint ang isang maliit na brown envelope sa loob ng sasakyan kung saan naka-usli ang isang plastic na pinaniniwalaang shabu.
Agad na ininspeksyon ang loob ng sasakyan at dito nakita pa ang dalawang transparent plastic na naglalaman ng iligal na droga.
May kabuuang 1.140 kilo ng shabu ang nakuha mula sa dalawang suspect na agad inaresto at ngayo’y nakakulong sa Toril Police Station.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga nahuling suspect.