MANILA, Philippines — Isang espiya ng grupong Abu Sayyaf sa Zamboanga City ang sumuko kasunod ng walang humpay na intelligence-driven operation laban sa mga extremist elements sa lungsod.
Nakilala ang sumuko na si Abdulhan Salahuddin noong araw ng Martes sa Barangay Muti sa Zamboanga City.
Ayon kay City Police Director Police Col. Alexander Lorenzo ng Zamboanga City Police Office (ZCPO), isinuko rin ni Salahuddin ang isang kalibre 45 na pistola nang humarap siya kay Lorenzo sa headquarters ng 2nd Zamboanga City Mobile Force Company.
Nabatid na si Salahuddin ay kapanalig ni ASG sub-leader Marzan Ajijul na ang kanyang grupo ay kumikilos sa Zamboanga City at sa lalawigan ng Basilan.
Aniya, si Salahuddin ay nasangkot sa mga extortion activities sa liblib na mga lugar sa Zamboanga City at Basilan kung saan target at naging biktima nila ang mga nasa palengke, mga may-ari ng mga sari-sari store sa mga komunidad, at mga negosyante at establisimyentong nasa kanayunan.
Sa pahayag ni Lorenzo, nagsawa rin ng mga karahasan at kalupitan si Salahuddin kung saan sangkot siya sa engkwentro ng mga tropa ng pamahalaan sa Barangay Calabasa noong Setyembre 20, 2012, at sa pamamaril sa isang de pasaherong bus sa Barangay Buenavista sa Zamboanga City noong 2015.
Si Salahuddin ay isinasailalim ngayon sa custodial debriefing ng mga otoridad.