LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Duguang bumulagta sa harap ng kanilang bahay ang isang kawani ng lokal na pamahalaan ng lungsod matapos pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek sa harap ng kanilang bahay sa Sitio Agna, Brgy. Homapon ng lungsod na ito, kamakalawa ng gabi.
Tama ng punglo sa ulo at katawan ang agarang ikinasawi ng biktima na kinilalang si Joseph Lorilla, job order employee ng Legazpi City Hall at residente ng naturang lugar. Mabilis namang nakatakas ang hindi nakilalang gunman makaraan ang pamamaril.
Sa ulat, mag-aalas-7 ng gabi habang nagkakaroon ng sayawan ang “Mr. and Mrs.” ng kanilang barangay ay lumabas ang biktima at bumili ng mantika. Gayunman, pauwi na siya nang biglang sumulpot ang gunman at walang kaabug-abog na pinagbabaril.
Nang bumulagta ay binaril pa uli ng suspek nang malapitan sa ulo ang biktima.
Nakuha sa lugar ng pamamaril ang dalawang basyo ng bala ng kalibre 45 baril.
Sa imbestigasyon ng mga pulis, si Lorilla ay pinsan ni Staff/Sgt. Abel Lorilla na kasapi ng Legazpi City Police na unang pinaslang ng pinaniniwalaang mga komunista noong Abril 5.
Binaril umano ang biktima malapit lang sa lugar kung saan pinagbabaril ang pinsang pulis.
Patuloy sa ginagawang imbestigasyon para matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng suspek.