Water tanker truck rumagasa: 2 dedo, 17 sugatan
Clearing ops nagdulot ng trahedya..
ILOILO CITY, Philippines – Nagdulot ng malaking trahedya ang pag-araro ng isang water tanker truck sa isang bakery at drug store matapos na dalawa katao ang patay habang 17 pa ang sugatan na karamihan ay mga ususero habang isinasagawa ang clearing operations sa may Coastal Road, panulukan ng Baldoza-Ingore, La Paz, dito sa lungsod kamakalawa ng hapon.
Kapwa idineklarang dead-on-arrival sa ospital ang mga biktima na sina Oliver Parreñas, 22, ng Zone III, Baldoza, La Paz at Jey Ann Caburog, 14-anyos, ng Zone I, Baldoza.
Dalawa naman sa mga sugatan ay sina Charito Sumagpao, 24, ng Nueva Valencia, Guimaras at Police Staff Sergeant Ricky Ardamoy, 39, ng Barangay Caingin, La Paz. Si Sumagpao nagtatrabaho sa Bombo Radyo-Iloilo habang si Ardamoy ay traffic investigator ng Iloilo City Police Office (ICPO).
Ayon kay Lt. Col. Ethan Estaya, hepe ng ICPO Traffic Investigation and Enforcement Unit (TIEU), kabilang sa mga sugatan ay pitong menor-de-edad at dalawang senior citizens.
Sa ulat, dakong alas-4:45 ng hapon nitong Linggo habang minamaneho ni Danilo Dayon, 61, ang Isuzu water tanker truck (LMF 165) nang mawalan ito ng kontrol habang binabagtas ang Baldoza Bridge at patungong Barangay Loboc, La Paz.
Bunsod nito, sa bilis ng takbo tuluy-tuloy ang truck na sumalpok sa bakery at drug store sa gilid ng kalsada. Isa lang ang naitalang sugatan sa insidente.
Gayunman, naging masaklap ang sumunod na trahedya nang dalawang rescue trucks ang rumesponde sa lugar upang hilahin o ialis sa lugar ang nakabalandrang water tanker truck.
Sa imbestigasyon, ang Isuzu rescue truck (RHV 617) ang humila sa water tanker truck mula sa rear. Gayunman, hinila rin pasulong ng Iloilo City Emergency Response (ICER) truck ang water tanker truck pasulong. Isang Ildefonso Herrera, 26, ang nagmamaneho ng ICER truck habang ang water tanker truck ay minamaneho ni Darryl Darwyin Thulasidas, 26, ng Brgy. South Fundidor, Molo.
Sinabi Estaya na si Thulasidas, miyembro ng City Disaster Risk Reduction and Management Office, ay nagboluntaryo lang na i-maneuver ang water tanker truck.
“Water tanker accidentally started engine and accelerated,” ayon sa police report na nagsanhi upang araruin ang mga taong ususero sa lugar.
“It’s possible that he (Thulasidas) could stepped on the gas pedal, instead of the brake pedal. That’s why, the struck suddenly accelerated,” pahayag ni Estaya.
Sa ikalawang insidente, inararo ng wanter tanker truck ang lima pang motorsiklo at tinamaan din ang rear portion ng unang rescue truck.
Matapos ang trahedya, inaresto si Thulasidas.
- Latest