Buy-bust nauwi sa shootout: Pulis at tulak kritikal
CAVITE, Philippines — Kapwa inoobserbahan sa pagamutan ang isang bagitong pulis at isang drug suspect matapos na mauwi sa engkuwentro ang isinagawang buy-bust operation kamakalawa ng hapon sa Brgy. Zapote 2, Bacoor City.
Nagtamo ng dalawang tama ng bala sa dibdib at kamay si Patrolman Mark Paolo Quizon, nakatalaga sa Intelligence Unit ng Bacoor City Police, habang sa kamay nasapol ng bala ang isa sa target na drug suspect na si Alberto Cezar.
Sa nakalap na ulat mula sa tanggapan ni Cavite Provincial Police Office director Col. Christopher Olazo, dakong alas-2:30 ng hapon nang magkasa ng drug bust ang intelligence group ng Bacoor Police laban sa mga suspek na sina Cezar at Eugene Palicpic, kapwa nasa hustong gulang at kilalang mga drug pusher sa nasabing lugar.
Sa nasabing operation, papasok pa lang sa lugar ang grupo nang salubungin na sila ng sunud-sunod na putok mula sa mga suspek dahilan upang tamaan agad ng bala si Patrolman Quizon.
Kahit duguan, nagawa pa ni Quizon na gumanti ng putok at tinamaan niya sa kamay ang suspek na si Cezar.
Sa kabila nito, duguang nagtatakbo si Cezar at kasama nito na sanhi ng ilang minutong habulan. Nakorner naman agad si Cezar ng mga pulis habang nakatakas ang kasama nito.
Narekober sa lugar ng engkuwentro ang isang caliber.45 na may serial number 1546340, dalawang cal. 45 fired cartridge case, pitong 9mm fired cartridge case, tatlong fired deformed bullets, dalawang metallic fragment, isang transparent plastic sachet na naglalaman ng mahigit sa 12 gramong shabu at nagkakahalaga ng P81,600 at mga drug paraphernalia.
- Latest