CAVITE , Philippines — Matapos ang dalawang araw na pagtatago, sumuko na kahapon ang dalawang lasing na motorista na suspek sa pagbaril at pagpatay sa traffic enforcer ng Tanza nitong Linggo kasunod ng alok na P100,000 reward sa makapagtuturo sa mga suspek.
Ayon kay Col. Christopher Olazo, Cavite police director, ang gunman na si Joseph Llagas, 37, residente ng St. John Subdivision, Barangay Biga, Tanza, at naiulat na aide ng isang politician, ay sinamahan ng kanyang dalawang kapatid nang sumuko kay Cavite Governor Jonvic Remulla bago siya nai-turnover sa mga awtoridad.
Kasama ni Llagas sa pagsuko ang kasamahang rider na si Aries Carlos ng Brgy. Biga, Tanza, Cavite, na siyang may dala ng baril na ginamit sa krimen.
Sinabi ni Major Dennis Villanueva, hepe ng Tanza police chief, na kapwa sinampahan na ng kasong murder sina Llagas at Carlos sa sala ng Regional Trial Court sa Imus City, Cavite matapos silang sumailalim sa inquest proceedings sa Provincial Prosecutor’s Office.
Ani Villanueva, si Llagas ay positibong kinilala ng mga testigo na siyang bumaril at pumatay sa traffic enforcer na si William Mentes Quiambao, residente ng Barangay Tres Cruses, Tanza, Cavite.
Sa imbestigasyon, habang naka-duty si Quiambao kasama ang iba pang traffic enforcers sa pagmamando ng trapiko sa nasabing lugar nang dumaan ang riding-in-tandem suspects na walang suot na helmet at pasuray-suray ang takbo sa daan.
Sinita sila ng mga enforcers at kinausap din ni Quiambao hinggil sa walang mga suot na helmet at may kabilisan din ang kanilang patakbo.
Gayunman, nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng biktima at dalawang suspek na napag-alamang lasing hanggang sa kunin ni Llagas ang baril sa bewang ng kasamang si Carlos at saka pinaputukan ng sunud-sunod ang enforcer sa ulo saka sila tumakas.
Matapos naman ang inilabas na patong sa ulo laban sa mga suspek ng lokal na pamahalaan ng Tanza, nagpasyang sumuko ang dalawa. Nakipag-usap sila sa kanilang Brgy. Captain na si Cindy Arguson para sa kanilang pagsuko na agad namang itinawag sa kanilang vice mayor na si Archangelo Matro.
Dito na itinawag ng mga opisyal kay Remulla at sumuko ang dalawa sa tanggapan ng gobernador sa lungsod ng Trece Martires saka sila iprinisinta sa media. — Ed Amoroso