Estudyante binoga ng obrero, sabog ang bungo

Hindi na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang biktimang nakilalang si Eduardo Dolorito Catig Jr,  20-anyos at residente ng Blk 33 lot 13, Ph3, Carissa, Brgy. Bagtas, Tanza, Cavite.
STAR / File

CAVITE, Philippines — Patay ang isang 20-anyos na estud­yante makaraang barilin nang malapitan sa ulo ng isang obrero habang ang biktima ay nakikipagkuwentuhan sa kapitbahay nito kamakalawa ng gabi sa Brgy. Bagtas, Tanza, Cavite.

Hindi na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang biktimang nakilalang si Eduardo Dolorito Catig Jr,  20-anyos at residente ng Blk 33 lot 13, Ph3, Carissa, Brgy. Bagtas, Tanza, Cavite.

Tumakas naman ang suspek na nakilalang si Jerkie Cabeique Jadulan, 21-anyos, construction worker, residente ng Blk 28, Lot 9, Ph 3, Carissa, Brgy. Bagtas, Tanza, Cavite.

Sa imbestigasyon nina Police Master Sgt. Israel Villela at Corporal Nikko Paul Barranco, ng Tanza Police, dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa Phase 3 ng Carissa Homes sa Brgy. Bagtas. Nakikipagkwentuhan ang biktima sa isang kaibigan nito na ‘di kalayuan sa kanyang bahay nang lumapit ang suspek na nakasuot umano ng itim na jacket at maong pants.

Nilapitan umano ng suspek ang walang kamalay-malay na estudyante at agad na binaril sa ulo.

Duguang tumimbuwang ang biktima habang mabilis na tumakas ang suspek patungo sa madamong bahagi at bakanteng lugar.

Naitakbo pa sa MV Santiago Hospital ang biktima subalit idineklara nang dead-on-arrival na.

Kasalukuyan nang tinutugis ng pulisya ang salarin habang inaalam pa ang motibo sa nasabing pagpatay.

Show comments