ATIMONAN,Quezon, Philippines — Patay na ng matagpuan ang isang lalaking sinasabing nanggulo sa isang sayawan sa Purok 1, Barangay Sta.Catalina sa bayang ito, kamakalawa ng madaling araw.
Naliligo sa sariling dugo at may malaking sugat sa ulo nang matagpuan sa gitna ng kalye, alas-3:00 ng madaling araw ang biktimang nakilalang si Ariel Taratara, 40, may live-in partner, at residente ng Purok Bagong Silang 1 Brgy Malinao Ilaya.
Ayon sa pulisya, huling nakitang buhay ang biktima na lasing sa alak na naghuramentado sa sayawan at may hawak na gulok.
Bahagya umanong tumigil ang sayawan dahil sa ginawa ng biktima hanggang umalis na ito.
Inaalam na ng pulisya kung sino ang pumaslang sa biktima upang papanagutin sa krimen.