MANILA, Philippines — Pinagpapalo sa ulo ng pamangkin at kasama nito hanggang sa mamatay ang mag-asawa na naniningil ng utang dito, naganap sa North Cotabato.
Nakabaon na sa hukay nang matagpuan ang bangkay ng mag-asawang kinilalang sina Berting Pandita Tapadan, 54, at Aisa Tamay Tapadan, 58, pawang residente ng Purok 7, New Panay sa Aleosan, North Cotabato.
Kusang loob namang sumuko sa Local Government Unit (LGU) ng Aleosan ang suspek na si Amirodin “Boy” Tapadan, nasa hustong gulang, vendor, at pamangkin ng lalaking biktima.
Nabatid na may utang umano si Amirodin sa mag-asawa at wala itong maibayad kaya nito ginawa ang krimen.
Base sa ulat ng pulisya, Mayo 5 ng hapon nang magpaalam ang mga biktima sa kanilang anak na mayroong kukuning pera sa isang kakilala,subalit hindi na nakabalik ang mga ito sa kanilang bahay.
Kinabukasan, Mayo 6, ay inireport na ng mga kaanak sa pulisya ang pagkawala ng mag-asawa at nanawagan din sa social media.
Martes naman ng umaga, Mayo 9, isang concerned citizen ang lumapit sa pulisya upang ituro ang isang lugar sa tabing ilog sa Barangay Upper Minggading na tila mayroong ibinaon at pagkatapos ay tinabunan ng basura.
Agad tinungo ng pulisya ang lugar at doon ay napansin nga nila na malambot pa ang lupa kaya agad itong hinukay at doon tumambad ang bangkay ng mag-asawa na nakasilid sa sako.
Kasunod nito, sumuko ang suspek at inamin ang nagawa niyang krimen.
Sa presinto ay kinuwento ng suspek ang buong pangyayari kung paano niya binalak ang pagpatay sa mag-asawa kasama ang isang lalaki na hindi na nito pinangalanan.
Sinabi ng suspek na sinisingil na siya ng mag-asawa sa kanyang utang,subalit wala siyang pambayad kaya naisip niyang patayin ang mga ito.
Isinako nila ang bangkay at dinala sa tabing ilog at ibinaon upang maitago ang krimen.