GENER NAKAR, Quezon , Philippines — Mistulang nagsasabong ang dalawang grupo ng mga katutubong Dumagat sa Reina area o Real, Infanta, General Nakar dahil sa isyu sa itinatayong Kaliwa Dam project.
Nagtayo ng mga barikada ang mga katutubong tribo ng Dumagat-Remontado sa ilog ng Tinipak sa itaas ng Sierra Madre sa parte ng General Nakar sa lalawigan ng Quezon kamakalawa.
Ayon Kay Marcelito Tena, lider ng tribong Dumagat at tagapagsalita ng mga tumututol sa dam, ito ay upang hadlangan ang planong ritwal ng mga katutubong grupo na sumusuporta sa Kaliwa dam.
Dagdag pa ni Tena, ang pagsasagawa ng magkasalungat at magkaibang ritwal sa kanilang sagradong lugar ay lumalabag sa kanilang tradisyon at kultura.
Noong nakaraang Mahal na Araw ay una na silang nagsagawa ng ritwal sa naturang sagradong lugar para sa kahilingan na hindi itayo ang dam at maprotektahan ang kalikasan.
Patuloy namang binatikos ng mga katutubong grupo ang mga kapwa miyembro ng tribo na sumusuporta sa gobyerno at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para sa pagpapayag sa konstruksyon ng Kaliwa dam.