Cotabato City, Philippines — Inilunsad nitong Huwebes ang konstruksyon ng pinakaunang fire station sa isang bayan sa Maguindanao del Norte, na kilala bilang “fishing capital” at pinakamapayapang lugar sa probinsya.
Ang P7-million fire station project sa Datu Blah Sinsuat, Maguindanao del Norte ay magkatuwang na itatayo ng tanggapan ni Mayor Marshall Sinsuat at ng Ministry of the Interior and Local Government-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Pinasinayaan ang proyekto nitong Huwebes sa Brgy. Pura sa Datu Blah Sinsuat ng mga opisyales na pinangunahan ng mga representatibo ng local government unit, ni BARMM Local Government Minister Naguib Sinarimbo at ni Maguindanao del Norte Gov. Abdulrauf Macacua.
Halos 12 taon pa lang mula ng naitatag ang bayan ng Datu Blah Sinsuat sa inisyatibo ng Regional Assembly ng Autonomous Region in Muslim Mindanao na nabuwag at napalitan ng BARMM parliament noong 2019.
“Kaming mga taga Datu Blah Sinsuat ay malugod na nagpapasalamat sa MILG-BARMM na siyang pinaka-source ng fire station project na ito,” pahayag ni Sinsuat, unang nanungkulan bilang vice mayor ng Datu Blah Sinsuat bago nahalal na mayor noong May 9, 2022 elections.
Dumalo sa paglulunsad ng fire station project ang matataas na opisyal ng Bureau of Fire Protection, ang dating congresswoman ng ngayon ay hati ng Maguindanao na si Bai Sandra Sema at ilang mga mayor mula sa Maguindanao del Norte.
Una ng nagtayo ng isang police station ang MILG-BARMM at ang Datu Blah Sinsuat LGU at kasalukuyang itinatayo din nila, bilang joint project, ang isang municipal operations center at limang barangay hall sa naturang bayan.