Bakal na hinahawakan, nakalas
MANILA, Philippines — Patay ang magkapatid na paslit nang mahulog at malunod sa septic tank nang makalas ang bakal na kanilang hinahawakan habang naghuhugas ng kanilang maputik na katawan noong Linggo sa Talisay City.
Idineklarang dead-on-arrival sa Cebu South Medical Center ang magkapatid na sina Mark Emman, 6-anyos at Nathaniel Llamedo, 7-anyos; kapwa residente sa Sitio Sayaw, Laray, Barangay San Roque.
Batay sa report ng Talisay City Police, bandang alas-11:30 ng umaga noong Linggo nang maganap ang insidente sa ginawang septic tank, ilang metro lamang ang layo sa bahay ng magkapatid.
Nauna rito, lumilitaw na naglalaro ang magkapatid kasama ang kanilang pinsan na parehong menor-de-edad sa labas ng kanilang bahay nang mapuno ng putik ang kanilang katawan.
Dahil dito, nagtungo ang magkapatid sa ginagawang septic tank na puno ng tubig at may lalim na 10 talampakan para maghugas ng katawan.
Sa salaysay ng mga pinsan, nakahawak pa ang magkapatid sa nakausling bakal habang naghuhugas ng kanilang katawan nang biglang makalas ang bakal at sabay na nahulog ang magkapatid sa septic tank na puno ng tubig.
Mabilis namang humingi ng tulong ang mga pinsan na kalaro ng magkapatid at iniahon sila sa tubig saka isinugod na nasabing ospital subalit idineklara silang kapwa patay ng sumuring doktor.