Mga bahay sinilaban, libong residente nagsilikas
Karahasan sa Maguindanao sumiklab…
COTABATO CITY, Philippines — Daan-daang residente sa magkatabing mga barangay ng Elian at Dapiawan sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur ang lumikas sanhi ng paulit-ulit na barilan ng dalawang grupong Moro mula pa nitong Martes.
Ilang mga bahay din sa Barangay Dapiawan ang sinunog ng isa sa dalawang grupo habang nagbabarilan nitong gabi ng Martes gamit ang M16 at M14 assault rifles at mga grenade launchers.
Ayon sa mga residenteng apektado ng kaguluhan at ng mga kasapi ng mga police at Army intelligence units sa probinsya ng Maguindanao del Sur, sangkot sa kaguluhan ang dalawang grupong parehong may mga kasaping mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front.
Nagsilikas na ang maraming residente ng Barangay Elian at Dapiawan sa mga ligtas na lugar.
May inisyatibo na ang MILF, ang 6th Infantry Division ng Philippine Army at Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region na ayusin, sa pamamagitan ng dayalogo, ang kaguluhan.
Una nang nagpahayag ang ilang mga lehitimong commander ng MILF sa Datu Saudi Ampatuan at mga karatig na bayan na walang kinalaman ang kanilang organisasyon sa kaguluhan na kinasasangkutan lang ng ilang mga miyembrong nakatakda nang papatawan ng kaukulang parusa.
- Latest