CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte, Philippines — Napigilan ang planong pambobomba ng mga terorista sa Ramadan matapos mapatay ang limang hinihinalang miyembro ng Dawlah Islamiyah-Hassan Group habang walong bomba ang narekober sa isinagawang operasyon ng Joint Task Force Central sa mga bayan ng Pagalungan at Montawal, Maguindanao del Sur simula nitong ika-21 ng Marso, 2023.
Ayon kay Col. Donald Gumiran, commander ng 602nd Infantry (Liberator) Brigade, nakatanggap ang militar ng impormasyon mula mismo sa mga residente ng Brgy. Dungguan, Montawal at Brgy. Dalgan, Pagalungan na nagkakampo sa liblib na lugar ng Brgy. Dalgan ang teroristang DI-Hassan Group na pinamumunuan ng isang “Almoben Sebod”.
Ayon sa mga residente, planong magsagawa ang terroristang grupo ng pagpapasabog sa mga matataong lugar sa Maguindanao at Cotabato sa pagbubukas ng Ramadan.
Matapos makumpirma ang ulat mula sa iba pang mga impormante, ay mabilisang nagkasa ng operasyon ang JTF Central sa pamamagitan ng 602nd Brigade upang pigilan ang madugong plano ng teroristang grupo.
Maingat na tinungo ng mga sundalo ang lugar na pinagkukutaan ng mga terorista upang maiwasang magkaroon ng agarang putukan na maaring maging sanhi na madamay ang mga inosenteng mamamayan ng nasabing lugar.
Matagumpay na nakalapit ang militar pero agad silang pinaputukan ng mga terorista sanhi ng may isang oras na sagupaan. Sa tulong ng kanyon at eroplanong pandigma, napasok ng militar ang pinagkukutaan ng mga terorista at tuluyang naagaw ang walong improvised explosive devices (IED) na nakahanda na sanang ilatag at paputukin anumang oras.
Samantala, limang terorista ang kumpirmadong namatay at isa ang nadakip habang tumatakas. Narekober mula sa nadakip ang isang calibre .45 pistol, mga bala ng Garand rifle, mga sangkap sa paggawa ng IED at 9 na cellphones na ginagagamit din sa pagpapasabog.
Nagpasalamat naman si Pagulangan Mayor Salik Mamasabulod, sa mga sundalo sa matagumpay na pagpigil sa masamang plano ng mga terorista at sa pagkakasamsam sa mga IED.