MANILA, Philippines — Siyam na hihinalang drug traffickers ang nasakote at masamsaman ng may P2 milyong halaga ng droga sa magkakahiwalay na operasyon ng mga awtoridad sa mga lalawigan ng Rizal, Laguna at Cavite nitong Biyernes hanggang Sabado ng madaling araw.
Sa report ng CALABARZON Police, alas-4:51 ng hapon nitong Biyernes nang masakote ang umano’y drug trafficker na si Norman Emerencia sa operasyon sa Brgy. 3, Calamba City, Laguna. Siya ay itinuturing na High Value Target (HVT) na nakumpiskahan sa operasyon ng 52 gramo ng shabu na nagkakalaga ng P353,600.
Sumunod namang nadakip bandang alas-7:53 ng gabi noong Biyernes sa Brgy. Macabling, Sta Rosa City, Laguna si Victorson Dennis Bela na nakumpiskahan naman ng P68,000 halaga ng shabu.
Nabitag din sa Brgy. Maharang, Angono, Rizal sina Shan Castor, Ricky Castor at Rose Cortez, alas-10:20 ng gabi matapos umano silang magbenta ng P2,000 halaga ng marijuana sa poseur buyer ng mga awtoridad.
Nakumpiska sa operasyon ang tatlong digital weighing scale at 12.1 kilo ng marijuana na nagkakahalaga ng P1,500,000 mula sa mga suspect na pawang HVT sa drug watchlist ng mga awtoridad.
Arestado rin sa Bgy. Zapote 1, Bacoor City, Cavite ang mga drug traffickers na sina Paisah Ameno, Minsoary Macabato, Liz Aducayen at Benjamin Cadiz dakong ala-1:30 ng madaling araw nitong Sabado. Nakumpiska mula sa mga suspect ng 9 sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P102,000.