MANILA, Philippines — Tatlong minero ang namatay matapos umanong makalanghap ng “poisonous gas” habang kasagsagan ng kanilang trabaho sa loob ng tunnel kamakalawa sa Pantukan, Davao de Oro.
Kinilala ang mga biktimang sina Jelbert Lastimado, 25, may asawa; Arjie Jayson, 23, may asawa at si Julito Torifel, 25, pawang residente ng Purok 2, Tibagon, Pantukan, Davao de Oro.
Batay sa report ng Pantukan Municipal Police Station, bandang alas-4 kamakalawa ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng tunnel sa Purok 50, Sitio Diat, Brgy. Napnapan, Pantukan, probinsya ng Davao de Oro.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nagtatrabaho ang mga biktima sa loob ng Gold Tunnel mining sa nasabing lugar nang bigla na lamang umanong magkaroon ng gas leak.
Nagsasagawa pa ng follow-up investigation ang pulisya sa insidente.