4.8 magnitude na lindol, tumama sa Quezon
MANILA, Philippines — Lucena City – Nasa 4.8 magnitude na lindol ang yumanig sa lalawigan ng Quezon kahapon ng umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon sa Phivolcs, bandang alas-11:09 ng umaga nang tumama ang lindol sa Polillo nasabing lugar at hindi rin nagtagal ang pagyanig.
Sa tala ng Phivolcs, ang 4.8 magnitude na lindol ay tumama sa karagatang sakop ng Jomalig Island. Naitala ang epicenter ng pagyanig sa 76 kilometro hilagang-silangan ng Jomalig Island na may lalim na dalawang kilometro.
Intensity 2 naman ang naramdaman sa Dingalan at Baler, Aurora; at Intensity 1 sa Malolos City at Plaridel, Bulacan; Mercedes, Camarines Norte; Gapan City at Gabaldon, Nueva Ecija; at Infanta, Alabat, at Guinayangan, Quezon.
Sa kabila nito, walang naging epekto ang pagyanig sa mga gusali at ibang istruktura sa island municipalities na POGI o Polillo Group of Islands na kinabibilangan ng Jomalig, Patnanungan, Polillo, Panukulan at Burdeos.
Ayon kay Earl Aizell Abanica, operation and warning officer ng MDRRMO Polillo, bahagyang pagkaalog lang ang naramdaman ng mga tao partikular ang mga kawani ng lokal na pamahalaan bagama’t naglabasan ang mga ito sa kani-kanilang tanggapan.
- Latest