4 banyaga, nasagip sa Isla ng Calayan
Matapos ang 2 buwan sa karagatan…
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Matagumpay na nailigtas ang apat na banyaga na nagpalutang-lutang sa Pacific Ocean sa loob ng dalawang buwan matapos mapadpad ang kanilang sailboat sa bahagi ng Isla ng Calayan sa lalawigang ito.
Kinilala ang mga matagumpay na nasagip ng mga otoridad na sina Sazid Hazan Boby Shiek, 19, isang Swedish national kabilang ang tatlong mga Peruvian Nationals na sina Richard Rodriguez Ventura, 48, Victor Genaro Altamirano Palomino, 57, at Ulian Oswaldo Rodriguez Ventrura, 52.
Nauna rito ay isang mangingisda ang nakakita sa palutang-lutang na sailboat ng mga dayuhan kung kaya’t agad na ipinagbigay alam sa Coast Guard sub-station sa Isla ng Calayan.
Lumalabas sa pagsisiyasat ng mga otoridad na noong pang buwan ng Disyembre 2022 nang maglayag ang mga dayuhan mula Panama tahak ang Pacific Ocean at mamasyal sa mga nasasakupan ng Asya bago bumalik sa nasabing bansa nang maabutan sila ng masamang lagay ng panahon sa karagatan hanggang sa masira ang makina ng kanilang sinasakyan at maubusan din ng gasolina.
Dahil dito ay hinayaan na lamang umano nilang magpalutang-lutang ang kanilang sailboat hanggang sa mawalan na rin sila ng linya ng komunikasyon at tuluyan na silang hindi nakahingi ng tulong.
Agad naman silang inasikaso ng mga tauhan ng Coast Guard District Northeastern Luzon kabilang na ang lokal na pamahalaan ng Calayan.
Napag-alaman na dalawa umano sa mga dayuhan ang walang dalang pasaporte habang malinis naman at walang nakitang anumang kontrabando sa kanilang sailing boat.
Kasama ang lokal na pamahalaan ay maayos at ligtas naman na ipinasakamay ang apat na mga nasagip na dayuhan sa tanggapan ng Bureau of Immigration sa bayan ng Aparri.
- Latest