MANILA, Philippines — Limang holdaper na naaresto sa Dasmariñas City,Cavite matapos matunton ang kanilang lokasyon sa tulong ng GPS ng isa sa mga ninakaw nilang cellphone.
Ayon kay Capt. Edwin Goyena, hepe ng pulisya sa bayan ng Alaminos sa Laguna, dumulog sa kanilang himpilan ang mga biktima matapos holdapin ng mga suspek sa Barangay Sta. Rosa noong madaling araw ng Lunes.
Sa pamamagitan ng cellphone na kinuha ng mga suspek, na-monitor umano ang mga suspek at natunton sa Dasmariñas City.
Agad nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis mula Alaminos at Dasmariñas, at naaresto ang mga suspek na kung saan ang 2 ay security guard na parehong taga-Calauag, Quezon at isa nilang kababayan, at 2 residente ng Dasmariñas.
Narekober umano sa mga suspek ang 2 cellphone, 2 motorsiklo, laruang baril at 2 patalim.
Nasa kustodiya ng Alaminos pulis ang mga suspek, na kinasuhan ng robbery at carnapping.