Love triangle: Mister patay sa ex-lover ni ‘misis’

Suspek tigok din sa taumbayan

CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Patay ang isang mister matapos pagbabarilin ng umano’y dating nobyo ng kinakasama nito na napatay rin ng mga rumespondeng residente sa madugong “love triangle” sa Brgy. Lawa, Calamba City, ng lalawigang ito, noong Sabado ng gabi.

Agad nasawi sa lugar ang biktima na nakilalang si Roilan Mendez Ilao, truck driver, bunsod ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan at ulo.

Ang ka-partner ni Ilao na si Marites Sulit ay hindi naman nasugatan sa pamamaril pero natulala dahil sa insidente.

Ang suspek sa pag-atake na si Randy Contreras Perez, ay agad ding nasawi habang dinadala sa J.P. Rizal Hospital matapos siyang pagtulungang bugbugin at pagpapaluin ng taumbayan na mabilis na rumesponde sa lugar.

Ayon sa anak na babae ni Sulit, natutulog ang mga biktima sa kanilang kuwarto nang biglang dumating ang suspek at tuluy-tuloy sa loob hanggang sa tangkain nitong buksan ang nasabing silid.

Gayunman, nabigo ang suspek na mabuksan ito dahil naka-lock sa loob kaya pinaulanan nito ng bala ang bintana ng silid ng mag-live in partner at napuruhan ng bala ang nasabing mister.

Nang mawasak at matadtad ng bala ang bintana, dito na sumibat ang suspek dala ang baril na ginamit nito.

Narinig naman ng mga residente ng Purok 1, Brgy. Lawa ang mga putok ng baril mula sa bahay ng mga biktima kaya agad na rumesponde.

Habang papatakas ang suspek, naispatan naman siya ng grupo ng mga kabataang tambay at mga residente hanggang sa magkahabulan. Nang makorner, dito na nila pinagtulungang gulpihin at pagpapaluin ang suspek na kanyang ikinamatay.

Sinabi ni Lt. Col. Lany Martirez, hepe ng Calamba Police Station na sinisilip nila ang anggulong “love triangle’ na motibo sa krimen.

Ani Martirez, ang “mi­sis” ng nasawi ay da­ting lover ng suspek at mayroon silang dalawang anak nang magkahiwalay.

Show comments