Dinala sa iskul…
MANILA, Philippines — Isang 12-anyos na batang lalaki na Grade 6 student ang nasawi matapos na aksidenteng pumutok ang baril na pag-aari ng kanyang amang pulis na dinala niya sa kanilang eskwelahan, kahapon sa San Jose del Monte City, Bulacan.
Ayon kay P/Lt. Col. Ronaldo Lumactod, hepe ng pulisya ng lungsod na ang bata ay estudyante ng Benito Nieto Elementary School, na nasawi sa ospital, dakong ala-1:00 ng hapon dahil sa tama ng bala sa kanyang baba na tumagos sa kanyang ilong.
Ayon kay Lumactod na maayos na ang kondisyon ng bata noong umaga, subalit bigla itong lumala kinatanghalian.
Batay sa ulat, naganap ang insidente,alas-5:40 ng umaga sa loob ng banyo ng eskwelahan na matatagpuan sa Barangay Muzon.
Ang bata ay anak ng isang pulis na may ranggong Executive Master Sergeant, na nakadestino sa PNP Directorate for Police Community Relations.
Sa imbestigasyon ay kinuha ng biktima ang baril ng kanyang tatay na PNP-issued sa cabinet ng kanilang bahay at dinala sa paaralan na kung saan pagdating sa banyo ay pinaglaruan umano ito at aksidenteng pumutok at tumama sa kanyang ulo.