TALAVERA, Nueva Ecija, Philippines — Aabot sa tinatayang P30,000 na halaga ng pekeng sigarilyo ang nasabat ng pulisya sa 53-anyos na magsasaka sa isinagawang Oplan Sita laban sa pagbebenta ng mga pekeng sigarilyo sa kahabaan ng Marcos-Cabubulaunan Road, Brgy. Sampaloc ng bayang ito, noong Sabado ng umaga.
Kinilala ng Talavera Police ang naarestong suspek na si Joselito Rodriguez, isang biyudo ng Purok 1, Brgy. Lomboy sa bayang ito, na nakumpiskahan ng 3 kahon ng pekeng sigarilyo o 150 reams ng sigarilyong may tatak na Astro.
Ayon sa ulat, bandang alas-10:15 ng umaga nang parahin ang suspek ng mga tauhan ng Talavera Police, sakay ng isang Kawasaki Bajaj tricycle na may plakang CB 10434.
Doon ay kitang-kita umano ang mga kahon ng sigarilyong sakay ng biktima ngunit nang hingan siya ng dokumento sa dala-dalang sigarilyo ay wala umano itong nakitang kaukulang dokumento.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines ang suspek.