CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Nalambat ng mga operatiba ng Tiaong Municipal Drug Enforcement Unit ang lider ng isang drug group na kumikilos sa 2nd district ng lalawigan ng Quezon matapos na isagawa ang buy-bust operation sa Brgy. Lusacan ng nasabing bayan, kamakalawa ng hapon.
Base sa ulat ni Police Col. Ledon Monte, Quezon Police Provincial Office (QPPO) director, ang nadakip ay kinilalang si Brando Rabino Flores, residente ng Villa Nosa Subdivision, Brgy. Lusacan Tiaong, Quezon at sinasabing lider ng “Brando Flores Drug Group.”
Sa operasyon na isinagawa bandang alas 5:30 ng hapon, nakumpiska sa suspek ang mga sachet ng hinihinalang shabu at marijuana na nagkakahalaga ng humigit kumulang P43,000.
Isinagawa ang police operations base sa validated reports mula sa komunidad partikular na ang illegal drug activity ng suspek.
Sinabi ni PD Monte na hindi titigil ang QPPO sa pagsasagawa ng iba’t ibang operasyon laban sa iba’t ibang uri ng kriminalidad lalo’t higit sa Ilegal na droga na siyang salot sa lipunan.