MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Sa layuning masagip at magabayan ang mga kabataang lumabag sa batas o children in conflict with the law (CICL) tungo sa mas magandang kinabukasan, pinasinayaan ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gob. Daniel Fernando kasama ang Provincial Social Welfare and Development Office ang bagong Tanglaw ng Pag-asa Youth Rehabilitation Center (TPYRC) na matatagpuan sa Brgy. Bulihan, sa lungsod ng Malolos.
Binubuo ang bagong rehabilitation center ng mga moderno at mas maayos na pasilidad kabilang ang sampung dormitoryo, library, clinic, prayer room, isolation room, activity area/mess hall, basketball court, palikuran at laundry area na kayang magpatuloy ng hindi hihigit sa 200 indibidwal na may edad 15 hanggang 18-anyos.
Ayon sa pinuno ng TPYRC na si Jay Mark Chico, nakatuon ang mga programa na ipinatutupad sa loob ng center sa pagkakamit ng treatment goals para sa mga indibiduwal na kabataan at buong grupo sa kabuuan upang matulungan silang bumuo ng socially constructive at produktibong pag-uugali, kaya naman ang kasalukuyang bilang ng mga kabataang nananatili sa rehabilitation center ay bumaba sa 55 kumpara noong 2018 na may 150 CICL dahil sa pinagsamang pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan at PSWDO.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Fernando na patuloy na magsisikap ang pamahalaang panlalawigan sa pagbibigay ng psychosocial at therapeutic programs sa mga minor-aged law offender o mga CICL para sila ay maging kapaki-pakinabang na miyembro ng lipunan.
“Sa loob ng mga nagdaang taon, pinatunayan ng Tanglaw Pag-asa ang pagbibigay proteksiyon, paggabay at pag-aaruga at ‘di matatawarang dedikasyon upang hubugin ang mga kabataang nasa pasilidad na maging produktibong miyembro ng ating pamayanan at lipunan. Patuloy rin po tayong nakatutok sa pagpapatibay ng mga psychosocial at therapeutic programs maging sa paghahatid ng mga livelihood training at alternative learning system (ALS) para sa ating mga CICLs,” anang gobernador.
Ang nasabing rehab center ay pinamamahalaan at pinopondohan ng pamahalaang panlalawigan at pinapangasiwaan ng PSWDO alinsunod sa Republic Act No. 9344 na sinususugan ng Republic Act No. 10630, at sa buong rehiyon, tanging ang lalawigan ng Bulacan lamang ang may ganitong uri ng pasilidad para sa mga CICL.