Mag-asawa sumemplang sa motor: Ginang nasawi

Hindi na uma­bot pang buhay sa pa­gamutan ang biktimang si Jemalyn Padwit Alcanzo, 38-anyos, residente ng Country Meadow Subdivision sa Brgy. San Francisco, Gen. Trias City, Cavite habang kasalukuyang inoobserbahan sa pagamutan ang mister nito na nakilalang si Jaizel, 29-anyos ng nasabi ring lugar.
STAR/File

CAVITE, Philippines — Patay ang isang 38-anyos na misis habang kritikal ang mister nito makaraang sumemplang ang sinasakyang motorsiklo at nasagasaan ng kasunod na motorsiklo habang bumabagtas sa kahabaan ng Arnaldo Highway, Barangay San Francisco, Gen. Trias City kamakalawa ng gabi.

Hindi na uma­bot pang buhay sa pa­gamutan ang biktimang si Jemalyn Padwit Alcanzo, 38-anyos, residente ng Country Meadow Subdivision sa Brgy. San Francisco, Gen. Trias City, Cavite habang kasalukuyang inoobserbahan sa pagamutan ang mister nito na nakilalang si Jaizel, 29-anyos ng nasabi ring lugar.

Hawak naman ng pulisya ang driver ng motorsiklo na nakasagasa sa dalawa na si Marvin Gabatbat Palareja, 28-anyos at residente ng 80 Balsahan, Barangay Binakayan, Kawit, Cavite .

Sa imbestigasyon nina Police Corporal Lauren Lubigan at Corporal Ruelord Magbitang, dakong alas-7:30 ng gabi nang maganap ang insidente kung saan magkaangkas ang dalawang biktima sa Rusi Passion at bumabagtas sa crossing ng kalsada nang sila umano’y biglang nagpreno.

Sa lakas ng kapit ng preno, sumemplang ang mag-asawa dahilan upang kapwa sumadsad sa kalsada. Nagkataon namang paparating ang isang Suzuki Raider na minamaneho ni Palareja at nasagasaan ang mga biktima.

Napag-alaman na hindi na umano nagawang iwasan ng nasabing motorcycle rider ang mga biktima hinggil na rin sa bilis ng pangyayari.

Kapwa itinakbo sa Gentri Medical Center ang mag-asawa suba­lit idineklarang dead-on-arrival ang ginang habang kasalukuyan pa ring inoobserbaham ang kalagayan ng mister nito.

Show comments