Grade 2 student, 3 araw nawala,natagpuang patay

MARIVELES, Bataan, Philippines — Natagpuang wala nang buhay ang isang grade 2 student na tatlong araw ng pinaghahanap ng kanyang mga magulang sa bulubunduking lugar sa bayang ito kamakalawa.

Kinilala ang biktima na si Matthew Ricardo, 7, residente ng Barangay Balon, Anito ng nasabing lugar.

Ayon sa ulat, tatlong araw na nawawala ang biktima dahilan upang magpasaklolo ang kanyang tatay sa lokal na Disaster Risk Reduction Management Council.

Sa ginawang paghahanap ng DRRMO bandang alas-4:00 ng hapon ng kanilang matuklasan sa masukal na bahagi ng bundok ang bangkay ng bata na kinakalkal at inaamoy amoy ng isang aso.

Tinakpan umano ng sako, mga bato at mga sangang kahoy ang wala ng buhay na katawan ng kaawa awang biktima.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang suspek sa krimen.

Show comments