REAL, Quezon, Philippines — Aabot sa mahigit P2-milyong halaga ng shabu at cocaine ang nakumpiska buhat sa isang hinihinalang tulak ng droga matapos ang isinagawang anti-drug operation ng mga operatiba ng Quezon Police Drug Enforcement Unit (QPDEU) sa bayang ito, kamakalawa ng gabi.
Kinasuhan na ng paglabag sa Section 5 at 11 ng R.A. 9165 ang suspek na si Jomel Lucera alyas “Palits”, 45, binata at kabilang sa talaan ng mga bagong indibidwal na sangkot sa illegal drugs.
Ayon kay Quezon Police Provincial Office director PCol. Ledon Monte, isinagawa ang buy-bust operation sa suspek dakong alas-11:57 ng gabi sa Purok Daus, Barangay Poblacion 61.
Isang sling bag ang nakumpiska buhat sa suspek at ito ay naglalaman ng 8 plastic sachet ng suspected shabu na tumitimbang ng 59.02 gramo na nagkakahalaga ng P1,222,980; isang P1,000 marked money at 5-piraso ng 1000 boddle money.
Sa paghahalughog sa sling bag, nakuha pa sa loob nito ang isang nakataling plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang cocaine na tumitimbang ng 59.78 gramo at nagkakahalaga ng P950,502.