Albay governor inalis na sa puwesto

MANILA, Philippines — Tuluyan nang natanggal bilang gobernador ng Albay si Gov.Noel Rosal ma­tapos na iimple­menta ni DILG-Bicol re­gio­nal director Atty.Ar­naldo Escober ang writ of execution ng Comelec-Manila makaraang hindi ito makakuha ng temporary restraining or­der mula sa Supreme Court.

Nag-ugat ang disqua­lification case sa isinam­pang reklamo ng isang Joseph San Juan Almo­gila, makaraang ma­mi­gay ng tig-dalawang libong pisong ayuda si Ro­sal at asawa na si Mayor Carmen Geraldine Rosal, parehong kandidato noong bu­wan ng Mayo bilang gobernador at alkalde sa mga senior citizen at tricycle drivers sa lungsod ng Legazpi na pasok na sa election ban.

Sa writ of execution na may petsang Nobyembre 28, 2022 at pirmado ni Comelec chairman Atty.George Garcia ay inaatasan si Rosal na bakantihin ang posisyon at i-relinquish ang pwesto kay Vice Governor Edcel Greco Alexandre Lagman base na rin sa rules of succession.

Pasado alas-2:00 ng hapon kahapon ay personal na dinala ni Director Escober ang kopya ng writ of execution na ibinaba ni DILG Sec Benhur Abalos pero pini­gilan siya ng mga supporters na makapasok sa opisina ng gobernador habang si Rosal ay sinasabing nasa official travel sa Metro Manila dahil sa importanteng lakad.

Sadyang nagbarikada ang mga supporters ni Rosal sa loob at labas ng kapitolyo at may iniharang pang dalawang dump truck sa entrance at exit gate. Parehong hin­di nakausap ang provincial administrator o ang provincial legal officer kaya ipinaskel na lamang ang kopya ng execution sa pinto ng opisina ng gobernador.

Matapos nito ay nagtungo ang regional director sa PDRRMC-Building at doon ay magkasunod na pinasumpa ni Es­co­ber si Vice Gov. Lagman bilang bagong go­ver­nor at si senior board member Glenda Ong-Bongao bilang bagong bise-gobernador.

Sa paunang pahayag ni Lagman, binigyan diin niya na sinunod lamang nito kung ano ang itinatakda ng batas partikular sa rule of law. Siya naman umano ang pwe­deng sampahan ng kasong dereliction of du­ty kapag hindi niya tinanggap ang posisyon at para maging tuluy-tuloy ang trabaho sa la­hat ng departamento sa kapitolyo.

Show comments