MANILA, Philippines — Pinaniniwalaang ginahasa bago pinatay ang isang dalaga na natagpuan sa isang damuhan matapos siyang dumalo sa isang birthday party nitong Sabado sa Bogo, Cebu City.
Walang saplot nang matagpuan ang katawan ng biktima na nakilalang si Jeanelle Maekylla Royos, 15, Grade 10 student at residente sa Purok Rosal 1, Barangay Gairan, Bogo City.
Batay sa report ng Bogo City Police Station, bandang alas-3 ng hapon nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa damuhan sa Purok Magenta, ng nabanggit na barangay.
Ayon sa isang Glenda, residente sa nasabing lugar, nagpapastol siya sa kanyang alagang kambing nang bumulaga sa kanyang harapan ang hubo’t hubad na bangkay ng biktima.
Agad siyang humingi ng tulong sa mga awtoridad at ipinaalam ang pangyayari.
Sa pagresponde ng mga awtoridad sa lugar, nakitaan ng mga sugat sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktima.
Kwento naman ng kaibigan ng biktima na si Bhalcy Pepito Bercero, 19, bago ang krimen galing sila ng birthday party at nagpasyang umuwi dakong alas-12 ng hatinggabi.
Nagtaka na lamang siya kung bakit hindi man lamang sa kanya nag-chat ang biktima kung nakarating na ito sa kanilang bahay.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya para sa pagkakakilanlan ng suspek.