321 pamilyang katutubo sa Quezon, inayudahan

GENERAL NAKAR, Quezon, Philippines — Umaabot sa 321 pamilya mula sa tribong Dumagat na naninirahan sa Barangay Upper Lumutan sa General Nakar, Quezon ang nabiya­yaan ng libreng medikal na konsultasyon, mga food packs at malinis na inuming tubig mula sa pamahalaang panlalawigan ng Quezon, sa pamamagitan ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) at Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at sa tulong ng Office of the President (OPS) at National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Ang mga katutubong Dumagat ay kabilang sa mga nauna nang napagkalooban ng serbisyong medikal makaraang mabiktima ng sakit na diarrhea na nagresulta ng pagkasawi ng anim sa kanila.

Ayon kay Infanta Vice Mayor L. A. Ruanto, hindi inalintana ng medical at social welfare team ang limang oras na biyahe at tinawid na 14 na ilog upang mailapit ang serbisyo sa mga naninirahan sa bahagi ng Sierra Madre.

Patuloy na nagpapaabot ng tulong sa mga residente ng Barangay Upper Lumutan sa General Nakar, Quezon si Governor Dra. Helen Tan upang hindi na maulit ang nasabing insidente at matiyak ang kalinisan ng inuming tubig sa nabanggit na lugar.

Samantala, batay sa resulta ng rapid case investigation ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU) at Sanitary Inspector ng Department of Health-Ca­labarzon sa mga tinamaan ng sakit kamakailan, lu­mabas na ang dahilan ng kaso ng pagdudumi ay dahil sa amoebiasis.

Nagpasalamat naman ang pamahalaang panlalawigan sa OPS at NGCP sa mga donasyong ipinagkaloob para sa mga katutubo.

Show comments