Magpinsan nilamon ng ilog, 16-anyos nawawala

BAGUIO CITY, Philippines — Patuloy na pinaghahanap ang isang 16- anyos na dalagita habang nasagip ng mga rescuers ang 15-anyos niyang pinsan matapos silang tangayin ng malakas na agos ng Agno River sa Sitio Salapsap, Dalupirip, Itogon, Benguet noong Linggo ng hapon.

Kinilala ang nawa­walang biktima na si Colleen Chance Pangang-at, at ang nasagip na si Cherry Leigh Dumalog Pangang-at; kapwa residente ng Virac, Itogon, Benguet.

Ayon sa Itogon Police, nagpaalam ang magpinsan sa kani-kanilang pamilya na pupunta sa nasabing ilog para mag-swimming. Habang lumalangoy ang dalawa at tinatawid ang ilog ay isang malakas na current o agos ang sumalubong sa kanila bunsod upang matangay.

Nabatid na nagawa ni Cherry na makahawak sa isang malaking bato sa gitna ng ilog kaya siya natagpuan at nailigtas ng mga rumespondeng rescuers.

Kasalukuyan pang pinaghahanap si Colleen ng search and rescue volunteers mula sa Dalupirip Barangay Health Emergency Response Team, Barangay Health Worker, Itogon Municipal Health Services Office, Bureau of Fire Protection (BFP) Itogon at mga pulis, sa paibabang bahagi ng ilog patungo sa karugtong na baybayin ng San Manuel, Pangasinan.

Show comments