MANILA, Philippines — Ginunita kahapon ang Marawi City liberation o ang paglaya ng lungsod mula sa kamay ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS)-inspired Maute terrorists, may limang taon na ang nakalilipas.
“When the siege of Marawi City had finally ended on this day, five years ago, it was called a “liberation”. The act of setting free,” pahayag ni 1st District Lanao del Sur Rep. Ziaur–Rahman “Zia” Alonto Adiong.
Noong Oktubre 17, 2017 ay idineklara ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na malaya na ang Marawi City sa siege na inihasik ng ISIS inspired Maute terrorists na sumakop sa lungsod.
Ang Marawi City siege ay kumitil ng buhay ng 169 security forces habang nasa 1,800 naman ang nasugatan at sa panig naman ng ISIS inspired Maute terrorists ay tinatayang nasa mahigit 1,000 ang nasawi at nasa daan-daan din ang nasugatan sa panig ng mga kalaban ng estado.
Gayunman, ayon kay Adiong, marami pa rin sa mga Maranaos kabilang ang kaniyang pamilya ang hindi pa rin nakakabangon at nakakabalik sa dating “main battle area” sa lungsod ng Marawi.
“Kaya naman ganoon na lamang ang aming pasasalamat sa pagsasabatas ng Republic Act 11696 o Marawi Compensation Bill sa nakaraang Kongreso. Malinaw na nakasaad sa batas na ito ang ating mga susunod na hakbang upang masimulan ang muling pagbangon ng Marawi City,” ayon sa solon.
Kasabay nito, inihayag ng solon na magsisimula lamang ang pagbangon muli ng kanilang lungsod kapag naitatag na ang Marawi Compensation Board.
Binigyang diin ni Adiong na upang maisakatuparan ito ay kailangang magtalaga na si Pangulong Ferdinand “Bongbong “ Marcos Jr . ng 9 miyembro ng nasabing board.