MANILA, Philippines — Tatlong kalalakihan ang naaresto matapos makuhanan ng mga puslit na sigarilyo sa magkahiwalay na anti-smuggling operations ng mga otoridad sa Zamboanga City.
Kinilala ni Col. Alexander Lorenzo, Zamboanga City Police Office (ZCPO) director, ang mga nadakip na suspek na sina Arjay Ismael Salim, 35; Jabar Sali Tingkahan, 28; at Asmad Ismael Tingkahan, 43; at lahat ng residente sa bayan ng Maluso, Basilan.
Sa pinagsamang operasyon ng Bureau of Customs (BOC) at ZCPO, nadakip ng mga suspek, alas-5:40 ng hapon malapit sa isla ng Manalipa, ng naturang lungsod.
Nakuha sa mga suspek ang 36 piraso ng mga malalaking kahon na naglalaman ng iba’t ibang klase ng sigarilyo na aabot sa P1.2-M at walang maipakitang kaukulang dokumento ang mga suspek mula sa Jolo, Sulu at ibabagsak sana sa Alicia, Zamboanga Sibugay.
Samantala, alas-5:00 ng umaga nitong Miyerkules sa Barangay Maasin, Zamboanga City, nakumpiska rin ng mga tauhan ng ZCPO at Philippine Center for Transnational Crime ang 30 malalaking kahon na naglalaman ng iba’t ibang uri ng mga puslit na sigarilyo at aabot sa P1-M.
May kabuuan P2.3-M ang nakumpiskang smuggled na sigarilyo mula sa mga suspek na ngayon sa nasa kustodiya ng BOC sa lungsod.