MANILA, Philippines — May bagong pinuno ang Bulacan Provincial Police Office sa katauhan ni P/Col. Relly Arnedo, matapos siyang maitalaga bilang Officer-In-Charge (OIC) sa ginanap na ceremonial turnover rites sa Bulacan Provincial Headquarters sa Camp General Alejo S. Santos sa siyudad ng Malolos.
Pinangunahan ni Police Regional Office 3 (PRO3) Regional Director B/Gen. Cesar Pasiwen ang pagsasalin sa katungkulan kay Arnedo na siyang humalili kay P/Col. Charlie Cabradilla.
Bago naitalagang Bulacan PPO OIC, si Arnedo ay galing sa Police Regional Office 1 (PRO1) bilang hepe ng Regional Investigation Detection and Management Division (RIDMD).
Bilang bagong Officer-In-Charge ng Bulacan PNP, nangako si Arnedo na gagampanan niya ang kaniyang bagong tungkulin at responsibilidad ng buong dedikasyon at may katapatan.
“Patuloy tayong magsisikap ng walang humpay na maisakatuparan ang pinaigting na kampanya laban sa ano mang uri ng kriminalidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong lalawigan ng Bulacan,” ayon kay Arnedo.
Mahigpit nitong ipatutupad ang “internal cleansing” at hindi niya umano kukunsintihin ang mga tinaguriang “bad apples” sa hanay ng kanilang organisasyon
“I would take a stern stance in anti-crime initiatives while strengthening my support to PGen Rodolfo Azurin’s peace and security framework entitled “MKKK” Malasakit, Kaayusan, Kapayapaan at Kaunlaran which is supplemented by “KASIMBAYANAN (Kapulisan, Simbahan, at Pamayanan) Program,” ani Arnedo.