De kalidad at murang gamot, isinusulong ng Quezon solon

GUMACA, QUEZON, Philippines — Isinusulong ni Quezon 4th District Congressman Atorni Mike Tan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang de-kalidad at murang presyo ng gamot para sa lahat ng Pilipino.

Aminado ang kongresista na matagal ng may umiiral na batas para sa murang gamot, ang Republic Act No. 9502, ngunit marami pa ring Pilipino na problema ang mataas na presyo ng gamot sa merkado.

Sa pagsusuri aniya ng Department of Health (DOH) ay mga piling gamot lamang ang naging abot-kaya ang presyo, at lumabas sa ilang pag-aaral na mga may kaya at mayayaman lamang ang nakinabang sa batas na ito.

Bunsod nito, nais ng kongresista na maa­myendahan ang natu­rang batas sa pamamagitan ng House Bill No. 1413 o “An act amending certain provisions of Republic Act No. 9502, otherwise known as the “Universally Accessible Cheaper and Quality Medicines Act of 2008.”

Bahagi ng amendment ang pagtatatag ng Drug Price Regulation Board na binubuo ng public health expert, trade specialist, pharmacist, finance expert, lawyer at mga kinatawan mula sa consumer organizations na tututok sa tamang pagpepresyo ng gamot sa merkado.

Gayundin ang pagbibigay ng mandato sa lahat ng medical practitioners na magbigay ng reseta gamit ang generic na pangalan ng gamot upang mas mapakinabangan ng marami ang mga generic na gamot sa ating bansa.

Aminado Ang neophyte lawmaker na ang mahal na presyo ng gamot ang dahilan kung bakit ang isang may karamdaman ay nag-aalangan magpagamot at pinipiling tiisin na lamang ang kanyang sakit.

Show comments