MANILA, Philippines — Pinaniniwalaang ang pagmamaltrato at pananakit ng isang stepmother ang dahilan ng pagkamatay ng 4-anyos na batang lalaki sa Bamban, Tarlac.
Napag-alaman na bago pumanaw, nakunan pa ng video ang biktimang si Jericho Galang na isinusumbong ang ginagawang pananakit sa kanya ng kanyang madrasta na residente ng Brgy. Anupul, Bamban, Tarlac.
Batay sa sumbong ng bata sa kanyang tiyahin na si Gemma Galang, sinusuntok umano siya at pinapakain ng sili at tinutusok-tusok sa tiyan.
Nangyayari raw ang pagmamaltrato habang nasa Maynila ang ama ng bata para magtrabaho.
Nang masawi ang bata, mayroon umanong sugat sa ulo at katawan ang biktima.
“Yung maselang bahagi ng pamangkin ko, tinali. May sugat-sugat pa nga. Tapos yung sa ulo niya inuntog sa pader. Pina-check-up ko siya sa pedia, pinadala na siya sa surgeon dahil ganun na yung kalagayan niya,” ani Gemma.
Sa death certificate ng bata, lumitaw na nagkaroon ito ng septic shock at nagkaroon din ng multiple abrasion sa katawan.
Iniimbestigahan na ng otoridad ang insidente at hinihintay ang resulta ng pagsusuri ng medico-legal sa mga labi ng bata para sa gagawing pagsasampa ng reklamo laban sa suspek.