PAGBILAO, Quezon, Philippines — Isa na namang bangkay hindi pa nakikilalang lalaki na hinihinalang biktima ng summary execution o salvaging ang natagpuan sa Diversion Road, Sitio Sapinit, Brgy. Silangang Malicboy ng bayang ito, kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat ng mga awtoridad, tinatayang 45-50 taong gulang ang biktima, nakasuot ito ng gray na t-shirt at itim na pantalon at walang ID o mapagkakakilanlan.
Bandang alas-6:50 ng umaga nang nakatanggap ng tawag sa cellphone mula sa isang concerned citizen ang pulisya kaugnay sa natagpuang bangkay sa tabi ng highway.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), natuklasan na may sugat sa ulo ang biktima at nakatali ang dalawang kamay.