MANILA, Philippines — Kalunus-lunos ang sinapit ng isang bagong silang na sanggol nang matagpuang buhay subalit inuuod, nilalanggam at nilalangaw sa ilalim ng puno sa Salcedo, Eastern Samar.
Ayon kay Police Corporal Cyril Joyce Bardinas ng Womens and Child Protection Desk ng Salcedo Municipal Police Station, natagpuan ang sanggol ng isang bata na nagpapastol ng kambing sa nasabing lugar nitong umaga ng Agosto 5.
Nakabalot lang ang beybi sa isang tarpaulin at inuuod, nilalanggam at nilalangam na ang katawan nang matagpuan sa Barangay Palanas ng nabatid na bayan.
Napag-alaman na bagong panganak lang ang sanggol na babae dahil hindi pa napuputol ang pusod nito.
Nabatid na habang ibinabiyahe patungong Eastern Visayas Regional Medical Center sa Tacloban City ang sanggol, pina-breastfeed ito ni Bardinas upang mapawi ang matinding pagkagutom nito.
Patuloy na inoobserbahan sa nasabing pagamutan ang sanggol na nagkaroon na ng pneumonia habang hinihintay pa ang ibang isinagawang mga tests dito upang malaman kung mayroon pang ibang sakit ang sanggol.
Inaalam din ng pulisya kung sino ang walang pusong indibiduwal na nagtapon sa sanggol sa nasabing lugar.