Lover ni misis, utas sa shotgun ni mister

MANILA, Philippines — Patay ang isang lalaki nang barilin ng “de-sabog” ng kanyang kapitbahay na mister dahil sa selos matapos madiskubre ang pakikipagrelasyon umano nito sa misis ng huli sa Isabela noong Linggo ng umaga.

Dead-on-the-spot ang biktimang si James Pagdilao, 39, habang pinaghahanap ng pulisya ang suspek na si Alfonso Carlos Iplasido, 61; kapwa residente ng Brgy. Yeban Sur, Benito Soliven, Isabela.

Batay sa report ng Benito Soliven Police, dakong alas-7:45 ng umaga nang maganap ang krimen sa Purok- 6, Yeban Sur, nitong Linggo.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nagpapastol ang biktima ng kanyang alagang baka sa lugar nang bigla na lamang lapitan ng suspek at barilin gamit ang isang homemade shotgun.

Lumilitaw na nalaman ng suspek na may relasyon ang kanyang misis at biktima, ilang taon na ang nakalilipas.

Sa matinding galit na kinikimkim ng mister matapos na hindi nito matanggap ang pagtataksil ng asawa at mismong kapitbahay ay isinagawa nito ang krimen.

Matapos ang pagpatay, tumakas ang nasabing mister.

Show comments