MANILA, Philippines — Isang nawawalang nurse ang natagpuang nakalibing sa sarili niyang bakuran sa Valencia, Negros Oriental.
Ayon sa ulat ng "Unang Balita" ngayong Biyernes, kinilala ang 32-anyos na biktima bilang si Maribel Glazier na siyang nagsimulang mawala noong ika-16 ng Hulyo.
Batay sa ulat, natagpuan ang bangkay ng biktima matapos magreklamo ang mga kapitbahay nito sa hindi magandang amoy galing sa kanyang bahay.
Dagdag pa rito, sinabi rin ng mga kaibigan ni Maribel sa mga pulis na una na silang sinabihan ng biktima na kunin ang dalawa niyang anak na babae sakaling may mangyari sa kanya dahil madalas silang mag-away ng kanyang mister na si Daniel Lawrence Glazier, isang foreigner.
Kasalukuyang itinuturing na person of interest sa krimen si Daniel Lawrence na siyang pinaghahanap ngayon ng otoridad. — Philstar.com intern Vivienne Audrey Angeles