CABANATUAN CITY, Philippines — Naaresto ng mga awtoridad ang lider ng isang robbery group na kabilang sa nakatalang Top 10 drug personalities ng Central Luzon, at tatlong iba pang hinihinalang drug suspect sa isinagawang pagsalakay sa hideout nito sa Nueva Ecija noong Sabado ng hapon.
Sa ulat na nakarating kay Col. Jess Mendez, acting police director ng Nueva Ecija, kinilala ang nadakip na suspek na si Marlon Salvador, lider ng “Salvador Robbery Group” at high value individual sa Region 3, residente ng Barangay Mahipon, Gapan City, Nueva Ecija.
Si Salvador ay naaresto noong Sabado ng hapon sa ikinasang pagsalakay ng pulisya sa kanyang hideout sa Gapan City sa bisa ng search warrant na inisyu ni Executive Judge Elenita Evangelista-Casipit ng Regional Trial Court, Gapan City sa paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sa kasagsagan ng raid, naaktuhan ng mga operatiba si Salvador na kasama sina Richard Ising, Arnel Morales at Raymond Morales habang nagpa-pot session at sumisinghot ng hinihinalang shabu.
Nasamsam sa lugar ang maraming armas, granada at bala kabilang ang Armscor shotgun, Winchester .22 caliber rifle, Colt .38 caliber revolver, airgun, MK2 hand grenade, plastic sachets na naglalaman ng suspected shabu na nasa 40.4 gramo at may halagang P274,720; tatlong aluminum foil; gunting; weighting scale; apat na lighter; apat na tooter; at P36,300 cash.