Kuliglig bumaliktad: 2 tigok, 12 nasugatan

SANTIAGO CITY Isabela, Philippines — Dalawang katao ang nasawi habang labing dalawa pa ang nasugatan matapos bumaliktad ang sinasakyan nilang mo­dernized kuliglig sa bahagi ng Barangay Balasig, Cabagan sa lalawigang ito kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang mga nasawi na sina Rosalyn Agabin; at Solitaria Ospital, kapwa mga residente ng Barangay San Bernardo sa bayan ng Cabagan.

Isinugod sa pagamutan ang mga sugatan na nakilalang sina Erwin Datul, driver ng kuliglig; Marcelo Agabin, Bernardo Laggui, Marita Laggui, Cris mae Mercado; Rodolfo Agabin; Waldimar Baui; Flordeliza Baui; Rowena Gammad , Leon Patrick Gammad; Ethan Dale Gammad at Mon­sing Datul, pawang residente sa nasabing lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Cabagan- PNP, galing umano ang mga biktima na pawang mga magkakamag-anak sa isang death anniversary sa Barangay Fugo, Tumauini sa lalawigang ito at papauwi na nang mangyari ang aksidente.

Nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver na si Datul na naging dahilan para bumaliktad ang modernized na kuliglig at tuluyang maipit ang mga lulan na pasahero.

Patuloy naman ang pagsisiyasat na isinasagawa ng Cabagan Police Station para malaman kung bakit nawalan ng kontrol sa manibela ang driver na naging sanhi ng pagbaliktad ng sasakyan.

Show comments