Pagkagaling sa birthday party
MANILA, Philippines — Patay ang isang barangay chairman matapos tambangan at pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakilalang lalaki ilang oras matapos itong dumalo sa isang birthday party sa San Miguel, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Col. Charlie Cabradilla, hepe ng Bulacan Police ang nasawing biktima na si Marvin Avendaño, 48-anyos, tserman ng Brgy. San Jose ng nabanggit na bayan.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, ang biktima ay pauwi na sa kanilang tahanan galing sa birthday party lulan ng kaniyang pickup (ABJ-5205) nang harangin ito sa daan ng dalawang lalaki na nakatayo sa tabi ng kalsada.
Agad na pinagbabaril ng mga suspect ang biktima na napuruhan ng tama ng bala sa leeg at dibdib na siyang agaran nitong ikinasawi.
Matapos tamaan ng mga bala, tuluy-tuloy pang sumalpok ang behikulo ng biktima sa isang poste sa tabing kalsada.
Ang mga salarin ay mabilis na nagsitakas matapos ang insidente na sinamantala ang pagkakagulo ng mga tao sa lugar.