Konsehal, anti-demolition leader inaresto sa Cavite ng CIDG — grupo

Isa si Agner sa mga namuno sa ilang coastal residents laban sa marahas na demolisyon sa Patungan noong Enero, ayon sa PAMALAKAYA, isang militanteng grupo ng mga mangingisda.
Released/Pamalakaya

MANILA, Philippines — Kinundena ng ilang progresibong grupo ang pagkakaaresto sa fisherfolk leader na si Susan Agner at isang konsehal matapos aniya hainan ng warrant of arrest ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) gamit ang "panloloko" sa probinsya ng Cavite.

Ayon sa Save Patungan Now Movement, Huwebes nang puntahan ng CIDG-Imus sina Agner at isang konsehal ng Brgy. Patungan sa bayan ng Maragondon upang imbitahang makausap tungkol sa isang paparating na hearing kaugnay ng kasong "direct assault."

"Subali't ayon sa ulat ng isa nilang kasama, pagpasok ng 1 PM habang sila'y nasa CIDG imus, biglaang dinampot at hinayinan ng warrant of arrest," ayon sa grupo.

Isa si Agner sa mga namuno sa ilang coastal residents laban sa marahas na demolisyon sa Patungan noong Enero, ayon sa PAMALAKAYA, isang militanteng grupo ng mga mangingisda.

Hindi bababa sa tatlong residente ang naiulat na nabaril ng Philippine National Police at private guards sa naturang insidente.

"Patungan is home to more than 300 fishing and coastal families. Since 2014, the Manila Southcoast Development Corp. (MSDC), owned by late business tycoon Henry Sy, has been grabbing the community to convert it into an exclusive beach resort," wika ng Pamalakaya.

Una nang itinanggi ng MSDC na sila ang may-ari ng nasabing lugar, habang idinidiing wala raw silang interes bilhin ang nasabing lupa.

Hinihingi pa ng Philstar.com ang pahayag ni PLTCOL Marissa Bruno, hepe ng CIDG public information office, patungkol sa insidente ngunit hindi pa rin tumutugon hanggang ngayon.

"Tahasang kinukundena ng Save Patungan Now Movement ang ginawang panglilinlang ng CIDG Imus upang dalhin si Ka Susi sa kanilang kampo para siya'y iligal na detinahin!" sabi pa ng Save Patungan Now Movement.

"Kami rin ay nananawagan sa kagyat niyang paglaya pati ng kanyang mga kasamahang pinatawan ng gawa-gawang kaso!" — James Relativo

Show comments