STA. MARIA, Bulacan, Philippines — Patay ang 42-anyos na binatang may mental disorder na nag-amok matapos mabaril ng rumespondeng pulis na kanyang inatake sa Brgy. Sta. Clara ng nasabing bayan kamakalawa ng tanghali. Kinilala ang napatay na si Ricardo Agno, residente ng Brgy. Sto Tomas habang ang rumespondeng pulis ay si P/Cpl. Charles Jerome De Jesus, nakatalaga sa Sta. Maria Police station.
Sa report ni Sta Maria Police chief P/Lt. Col Voltaire Rivera, naganap ang insidente dakong alas-12:10 ng tanghali sa nasabing barangay.
Ayon sa report, tumawag sa kanila ang Ex-O (executive officer) ng Brgy. Sta Clara at inireport ang pag-aamok ng isang lalaki na armado ng bolo sa isang subdibisyon sa kanilang lugar.
Nang makita ng suspek ang dumaraang dalawang lalaki ay agad nitong intake at walang habas na pinagtataga. Gayunman, mabilis na nakakuha ng silya at lamesa na kanilang isinangga at pinagtaguan hanggang sa makatakbo palayo sa lugar kaya nakaligtas sa tiyak na kapahamakan.
Nang dumating sa lugar ang rumespondeng pulis ay pinilit nilang pakalmahin at pigilan ang suspek subalit walang kaabug-abog na inatake nito ng taga si De Jesus kaya napilitan siyang barilin..
Agad na isinugod ang duguang binata sa Rogaciano Mercado Memorial Hospital para sa paunang lunas subalit patay na nang idating doon.
Base pa rin sa report ng pulisya at ayon na rin kay Germando, kapatid ng napaslang, may mental disorder ang huli at kasalukuyang ginagamot sa kanyang sakit. Nakuha sa lugar ang bolo na ginamit ng nag- amok at basyo ng caliber 9mm mula naman sa naturang pulis.