CAVITE, Philippines — Nalambat ng pulisya ang dalawang lalaki na kapwa nasa high value target (HVT) list ng pulisya sa isinagawang drug bust operation kahapon ng madaling araw sa Brgy. Inocencio sa lungsod ng Trece Martires.
Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Eduardo Barela alias “Kuya” at John Eric Velasquez, kapwa nasa hustong gulang at residente ng Brgy. Inocencio Trece Martires City.
Sa ulat ni P/Cpl. Wilfredo Villanueva Jr, may hawak ng kaso, alas-12:05 ng madaling araw nang masabat ang dalawang suspek sa inilatag na buy-bust laban sa kanila ng pinagsanib na puwersa ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU)-Cavite Provincial Police Office, Station-DEU, Trece Martires City Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Narekober sa mga suspek ang 9 plastic sachet na naglalaman ng 20 gramong shabu at may halagang P138,000.00, 9 na piraso ng naka-ziplock na transparent plastic na naglalaman ng mga marijuana na may timbang na 335 gramo at may halagang P40,200.00, buy-bust money, isang bagpack at coin purse.