MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang “rookie cop” o bagitong pulis nang arestuhin ng kanyang mga kabaro sa isinagawang drug buy-bust operation kamakalawa sa Zamboanga Sibugay, Zamboanga City.
Kinilala ang nadakip na si Pat. Carl Anthony Burgas Tabo-Tabo, 26, residente ng Ipil, Zamboanga Sibugay, at temporaryong nakatalaga sa Zamboanga City Police Office (ZCPO)-Station 11.
Ayon kay Brig. Gen. Franco Simborio, Police Regional Office-Zamboanga Peninsula (PRO-9) director, dakong alas-11:30 ng gabi nang madakip ang suspek sa Barangay San Jose Gusu.
Sinabi naman ni Maj. Francis Briones, hepe ng ZCPO-Station 11, si Tabo-Tabo ay isinailalim sa surveillance matapos madiskubre na sangkot sa illegal na droga bago pa man pumasok sa PNP.
Nakuha sa suspek ang 5-gramo ng hinihinalang shabu na aabot sa halagang P34,000, motorsiklo, 13 pirasong pekeng tig-P1,000 boodle money na may isang tunay na P1,000 marked money, at iba pa nitong kagamitan.
Nakakulong ngayon si Tabo-Tabo sa naturang himpilan at nahaharap sa kasong administratibo at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.