MANILA, Philippines — Isang miyembro ng gun-for-hire group na sangkot sa serye ng pagpatay ng iba’t ibang indibiduwal noong 2004 at 2020 ang nadakip ng mga awtoridad sa ikinasang pagsalakay sa Kanluran, Sitio Majada In-Housing, Brgy. Canlubang, Calamba City, Laguna.
Ayon kay Col.Marlon Santos, director ng Criminal Investigation and Detection Group-Calabarzon, nagkasa ng operasyon ang CIDG-4A operatives bitbit ang search warrant na inisyu ni Presiding Judge Glenda R. Mendoza-Ramos, ng RTC Branch 36, sa Calamba City, Laguna laban sa akusadong si Hilario Fajardo Mabaga Sr., alias “Larry” o “Bente Uno”, sa pinagtataguan nito sa nasabing lugar.
Hindi na nakapalag si Mabaga nang masorpresa ng raiding team at nakumpiska sa kanyang pag-iingat ang isang caliber .45 pistol, steel magazine at mga bala.
Si Mabaga ay kilala umanong kasapi ng kilabot na “Ireneo Fajardo Group” na responsible sa gun-for-hire, kidnap-for-ransom, robbery/hold-up, illegal gambling at illegal drug activities na nag-o-operate sa Una at Ikalawang Distrito ng Laguna.
Sinabi pa ng pulisya na si Mabaga na tinaguriang “Most Wanted Person” ng Region 4-A na may bounty reward na P100,000 ay dati nang naaresto noong 2004 sa Barangay Bawi, Padre Garcia, Batangas dahil sa pagkakasangkot nito sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Simeon Gadiola.
Siya ay nakasuhan din ng paglabag sa R.A. 9165 dahil sa pagtatayo ng mini-shabu laboratory pero nakalabas ng kulungan noong 2019.
Matapos ito, bumalik sa dating illegal na gawi ang akusado at naging pangunahing suspek sa pamamaril sa ulo ng isang Beverly Barriento noong Abril 5, 2020 sa Sitio MCDC, Purok 17, Barangay Canlubang, Calamba City.