Checkpoints, inspeksyon sa terminals hihigpitan
MANILA, Philippines — Inalerto ng Philippine National Police (PNP) ang mga police commanders sa Mindanao Region na palakasin pa ang pagpapatupad ng seguridad upang hindi na maulit pa ang kambal na pambobomba sa Central Mindanao na ikinasugat ng dalawa katao kamakailan.
Ayon kay P/Major Valeriano de Leon, director ng PNP-Directorate for Operations, nag-isyu na siya ng memorandum sa lahat ng police regional directors para tiyakin na hindi na mauulit pa ang mga pambobomba sa Tacurong City at Koronadal City.
Sa nasabing memorandum, ang lahat ng mga police commanders hanggang sa mga hepe ng pulisya sa mga lungsod at munisipalidad ay dapat na magsagawa ng pag-iinspeksyon sa mga terminals ng mga bus at iba pang pampublikong sasakyan para hindi makalusot ang mga nagpaplanong maghasik ng terorismo.
Ipinag-utos din ang pagpapaigting ng pagbabantay sa mga pangunahing instalasyon, mga pampublikong lugar at iba pang mga matataong lugar.
“Our commanders were also instructed to conduct checkpoints in major thoroughfares and strategic roads, and to beef up intelligence-gathering as part of the intensified security operations,” pahayag ni de Leon.
Noong Huwebes ay niyanig ng dalawang magkakasunod na pambobomba ang dalawang pampasaherong bus sa mga lungsod ng Tacurong at Koronadal.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na “extortion” ang motibo ng pambobomba sa dalawang bus na kagagawan ng mga lokal na armadong grupo sa Central Mindanao.
Una nang ipinag-utos ni PNP Officer-in-Charge P/Lt. Gen. Vicente Danao Jr., ang masusing imbestigasyon sa nasabing mga kaso.
Ayon sa opisyal, nakahandang mag-deploy ang PNP ng karagdagang tropa sa Central Mindanao kung kinakailangan. Nanawagan siya sa publiko na agad ireport sa mga awtoridad ang mga kahina-hinalang indibiduwal o mga bagay na inabandona.